Sen. Villanueva, pinuri ang pag-certify ng Pangulong Duterte ng Security of Tenure Bill bilang urgent

Pinuri ngayon ni Sen. Joel Villanueva ang pag-certify ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent at isang priority measure ang Security of Tenure Bill.

Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, sa sulat kay Senate President Tito Sotto, sinabi ng Pangulong Duterte ang pagpasa ng Security of Tenure Bill ay magpapalakas sa security of tenure ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbabawal sa kontraktuwalisasyon at labor-only contracting.

Napakahalaga na maipasa bilang isang batas ang nasabing Security of Tenure Bill sapagkat ito ang magtatapos sa mga work scheme tulad ng ‘Endo’ at ang labor-only contracting.

Tinukoy ng mambabatas na ang nakagawiang contractualization ay nakakaapekto sa lampas sa 1.9 na milyong mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa panlahatan, nasa may tatlo ng bawat manggagawang Pilipino ay hindi mga regular na empleyado, at isa sa bawat dalawang “non-regular workers” ay contractual employee.

Kapag isa nang ganap na batas, sinabi ni Villanueva na ang hakbangin ay ang magtatanggal sa mga malalabong probisyon sa Labor Code, na umano’y kadalasang ginagamit ng mga mapagsamantalang employer na paikutin ang batas.  | ulat ni Jojo Ismael