Sen. Villanueva, nanawagan sa mga kinauukulang ahensya para tugunan ang ‘job-skills mismatch’ sa bansa

Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para solusyonan ang ‘job-skills mismatch’ sa bansa sa harap ng libu-libong trabaho na inaasahang malilikha ngayong taon sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program.

Ani Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources, matagal na nilang ipinanawagan sa Commission on Higher Education (CHED), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para i-upskill ang ating mga manggagawa at solusyonan ang ‘job-skills mismatch’ o hindi pagkakatugma ng trabaho at kaalaman ng mga manggagawa sa bansa.

Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), ang infrastructure campaign ng administrasyon ay inaasahang lilikha ng may 1.1 milyong trabaho kada taon na karamiha’y mula sa construction sector.

Nananawagan din si Villanueva para sa pagpasa ng isang batas para sa pagkakaroon ng skills training na makatutulong sa mga naghahanap ng trabaho na makakuha ng tamang trabaho na akma sa kanilang skills o kaalaman at kakayahan.

Sa Senado, naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1431 o ang panukalang ‘Tulong Trabaho Act’ na naglalayong gawing accessible para sa lahat ang technical-vocation trainings.

Ani Villanueva, kanyang inaasahan na maipapasa na rin ng Kamara ang kanilang counterpart version ng panukalang hakbangin. | ulat ni Jojo Ismael