Sen. Villanueva, nanawagan sa DOLE na magpokus sa pagseguro na ang mga negosyo ay tumatalima sa occupational safety and health standards

Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE), na magpokus sa trabaho nito sa pagseguro na ang mga negosyo ay tumatalima sa occupational safety and health standards kasunod ng pagbagsak ng isang metal crane na isini-set up sa isinasagawang konstruksyon ng STI building sa Pasay city.

Sa insidente, namatay ang di pa nakikilalang lalake habang ang crane operator ng monocrete construction na si Jonathan Diserdo ay naitakbo pa sa ospital pero nasawi pa rin. Anim na iba pang indibidwal ang nasugatan na kinabibilangan ng mga security guard, construction workers at isang Chinese national.

Ayon kay Villanueva, na Chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources, ang kakulangan sa mahigpit na regulasyon sa occupational safety and health standards ay ang pangunahing dahilan kung bakit maraming aksidenteng nangyayari sa mga lugar ng pinagta-trabahuan.

Aniya, ang mga insidenteng tulad ng pagbagsak ng isang crane kamakaylan sa lungsod Pasay ay naiwasan sana kung may mga batas na nagpaparusa sa di pagsunod sa occupational safety and health standards na umiiral sa bansa. | via Jojo Ismael