Sen. Villanueva, isinusulong ang refund-deposit scheme bilang solusyon sa problema ng bansa sa basurang plastic at iba pa

Iginiit ni Senador Joel Villanueva ang pagpasa ng isang panukalang batas na naglalayong mapaghusay ang waste disposal management ng beverage containers sa bansa.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1032 o ang Beverage Container Disposal Act, ipinanukala ni Senador Villanueva na atasan ang beverage industry na maghanda, magsumite at magpatupad ng isang management plan para sa epektibong mekanismo para sa pagtatapon ng mga container ng mga inumin, tulad ng bote at iba pa.

Sa panukala, hinihikayat ang mga consumer na sumunod sa tamang pagtatapon ng mga container ng mga inumin sa pamamagitan ng implementasyon ng isang refund-deposit mechanism kung saan magdedeposit ng pera ang isang indibidwal para sa kanyang bibilhing inumin at ibabalik sa kanya ang naturang halaga pagkasauli ng container o ng bote o ng plastic container.

Ang beverage containers, lalo na ang plastic ay ang isa sa mga bumubuong basura na naitatapon sa mga karagatan sa buong mundo.

At ayon sa isang makakalikasang grupo na Greenpeace, natukoy ang Pilipinas bilang pangatlo, kasunod sa bansang China at Indonesia na pangunahing nagpu-pollute ng mga karagatan kada taon. | via Jojo Ismael