Sen. Villanueva, hinimok ang joint oversight comm. ng COVID-19 Vaccination Program na mag-convene sa 100th day ng COVID vaccination

Isinusulong ni Senator Joel Villanueva na mag-convene ang joint oversight committee, na minandato ng COVID-19 Vaccination Program Act, para silipin ang pag-usad ng programa sa ika-100 araw ng pagbabakuna ng pamahalaan.

Ayon kay Villanueva, layon nitong malaman kung masusunod sa tamang panahon ang target ng gobyerno, na makapagbakuna ng 70 million na mga Pilipino sa katapusan ng taong ito.

Pinunto ng senator, na sa June 9 ang 100th day ng pagbabakuna at mainam na sa araw na ito ay magkaroon ng assessment, kung ano na ang mga napagtagumpayan na at ano ang mga kulang pa.

Matatandaang sa ilalim ng Republic Act 11525, minamandato ang pagkakaroon ng isang oversight panel na kabibilangan ng tig-apat na miyembro mula sa Kamara at Senado.

Giit ng mambabats, urgent ang assessment sa COVID-19 Vaccination program, upang masolusyunan agad ang mga problema at mga hamon sa pamamahagi ng mga COVID-19 vaccine.

Dapat rin aniyang isama sa review ng programa ang assessment sa buong vaccination chain, mula sa mismong mga suplay ng COVID-19 vaccine, mga cold storage hanggang sa mga suplay ng hiringgilya na gagamitin sa pagbabakuna.

Isa pa aniyang isyu na kailangang matugunan ay ang internal allocation ng mga bakuna, gaya ng pag-aaral sa sectoral at geographical rollouts.

Isinusulong rin ni Villanueva, na pag-aralan ng joint oversight committee kung sasapat ba ang halaga ng pondong ilalaan sa 2022 national bugdet para sa mga planong bilhing mga bakuna.