Sen. Recto sa pamahalaan: Paglaanan ng pondo ang info campaign ng immunization program

Hinikayat ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang gobyerno na paglaanan ng pondo ang information campaign para sa immunization program.
Ayon kay Recto, dapat ilaan ang bahagi ng proposed ₱7.5 billion national immunization budget para sa taong 2020, para labanan ang maling balitang kumalat patungkol sa naturang programa ng gobyerno.
Ito ay upang mapahupa ang takot ng mga magulang sa mga bakuna na ibinibigay ng pamahalaan.
Hindi na aniya sapat na paglaanan lang ng pondo ang bakuna, dapat ay samahan na aniya ito ng mahusay na information drive upang matiyak sa mga magulang na ligtas at mahalaga ang mga bakuna.
Base aniya sa datos, nitong nakaraang taon ay bumaba sa 65% ang immunization rate ng bansa para sa lahat ng klase ng bakuna, malayong-malayo sa target at accepted minimum ideal rate na 95%.
Matatandaang nagsimula ang pagdududa ng publiko sa immunization program dahil sa kontrobersiyang idinulot ng Dengvaxia vaccine.