Sen. Recto, nanawagan sa pamahalaan para paghandaan ang paparating na bagyong Neneng sa halip na nakatuon kay Trillanes

Sinabi ngayon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat na paghandaan ngayon ng gobyerno ang bagyong Neneng na maaaring papasok sa bansa ngayong linggo.

Ayon kay Recto, sa halip na nakapokus sa kasalukuyang delubyong politika partikular na ang kasalukuyang kasong kinasasangkutan ni Senador Antonio Trillanes IV,  mas mainam na ituon ng gobyerno ang pokus nito sa pagbibigay-impormasyon sa publiko ukol sa paparating na bagyong Neneng.

Maaari umanong simulan sa pagpapatawag ng isang command conference ng lahat ng kinauukulang mga ahensya upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng paparating na sama ng panahon sa mga tao, komunidad at mga ari-arian.

Tinukoy ni Recto na kasalukuyan nang dumaranas ng paghihirap ang mga mamamayan mula sa mga kalamidad na gawa ng tao tulad ng inflation at ang mataas na presyo ng mga bilihin kung kaya’t mahalaga aniyang mapaghandaan naman ang mga likas na kalamidad  upang hindi na madagdagan ang pagdurusa ng mga tao.  | ulat ni Jojo Ismael