Sen. Recto, hinimok ang incoming PNP Chief na punan ang 26K na bakanteng posisyon sa PNP

Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang “mission number one” para kay incoming Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde ay ang punan ang malaking bilang ng bakanteng posisyon sa PNP, na tinatayang nasa may 25,938 ngayong taon.

Ani Recto, kapag napunan ang lahat ng mga bakanteng posisyon at nai-distribute ng patas sa lahat ng 1,489 na munisipyo, ang bawat isa ay may dagdag na 17 pulis, at kapag ang 20 porsiyento ng mga slot ay mapupunta sa mga lungsod, ang bawat siyudad ay magkakaroon ng 35 karagdagang pulis.

Dagdag ni Recto, ang hamon ngayon ay ang pagtatalaga ng karagdagang pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod nang taunang paglobo ng populasyon ng Pilipinas na may 1.67 milyong tao.

Mungkahi pa ni Recto, na ang mga bagong recruit ay bigyan ng tungkulin ng pagpapatrol bilang solusyon sa kakulangan ngayon ng mga pulis sa mga lansangan.

Sa ngayon aniya kasi, wala ka nang pulis na makikita sa ilalim ng tulay, flyover o underpass. Sadyang kulang talaga, diin ni Recto.

Kanyang tinukoy, na ang PNP ay may authorized uniformed troop strength ng 194,410, kung saan 168,472 ay maaring mapunan ngayong taon na ayon sa 2018 government Staffing Pattern na inihanda ng Department of Budget and Management (DBM). | via Jojo Ismael