Sen. Poe, pinagsabihan ang LTO na maghigpit sa mga isinasagawang physical testing ng mga inirerehistrong sasakyan

Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Land Transportation Office (LTO) para sa higit na paghihigpit sa isinasagawang inspeksyon ng mga sasakyan bago naiparerehistro o kaya’y nabibigyan ng prangkisa ang mga ito.

Ayon kay Senadora Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, siya’y patuloy na nakatatanggap ng ulat patungkol sa umano’y laganap na gawain ng “no-show” o “non-appearance” ng mga sasakyan na nagpaparehistro o kaya’y kumukuha ng prangkisa at sa kinakailangang pagsasailalim sa emission test.

Aniya, ayon sa impormasyon na nakarating sa kanya, marami sa mga nakikitang tumatakbo sa ating mga kalsada ay hindi  umano dumaan sa tunay na pag-iinspeksyon ng LTO pero ang mga ito ay nakuhang magparehistro at ang mga pampublikong sasakyan ay nabibigyan ng prangkisa o permit to operate.

Ang kumpletong inspeksyon ng mga sasakyan kabilang ang emission test ay kailangan para sa taunang pagpaparehistro.

Batay aniya sa paglalahad ng ilang concerned citizen, ilang tauhan ng LTO ang umano’y tumatanggap ng suhol kapalit ng pag-apruba ng aplikasyon para sa rehistrasyon o hinihinging prangkisa nang hindi na kailangan ang pisikal na inspeksyon ng mga kinauukulang behikulo. | via Jojo Ismael