Sen. Poe, pinaghahanap ang DOTr ng pangmatagalang solusyon sa mga alalahaning lumalabas kaugnay ng jeepney modernization program

Sinabi ni Senator Grace Poe, na dapat umanong kumilos ang Department of Transportation (DOTr) at maghanap ng isang pangmatagalang solusyon sa mga alalahaning lumalabas kaugnay ng Jeepney Modernization Program.

Para kay Senator Poe na Chairperson ng Senate Public Services Committee, may basehan umano ang mga reklamo ng mga maliliit na tsuper at operator tungkol sa programang modernisasyon.

Aniya, hindi ito dapat ipagsawalambahala lamang sa pagdidiin na kailangan ng pag-uunawaan na magagawa lamang sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-uusap.

Punto ng Senador, maraming grupong pang-transportasyon ang nagmungkahi na maghanap ng mas murang panggagalingan ng jeepney units na may pagsasaalang-alang rin sa kapaligiran at matipid. May nagmungkahing tingnan ng DOTr ang mga lokal na pagawaan. Maaaring pakinggan ang kanilang mga mungkahi para makausad na ang programang modernisasyon, dagdag ni Poe.

Sinabi ni Poe, utang ng DOTr sa taumbayan na paganahin ang programang modernisasyon dahil ang pampublikong transportasyon ay kailangang maaasahan, ligtas at abot-kaya sa mga pasahero. | via Jojo Ismael

Photo courtesy: Senate of the Philippines FB page