Sen. Poe, ipinatitiyak sa mga govt. regulators na hindi makapagsa-samantala ang Grab

Ipinasi-seguro ni Senadora Grace Poe sa mga government regulators na hindi makapagsa-samantala ang Grab, na isang transport network company (TNC), sa pagsosolo nito ngayon sa industriya ng ride-hailing services sa bansa.

Sinabi ni Senadora Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na dapat ay walang puwang para sa posibleng pagsasamantala ng isang kumpanya na nasa serbisyong pampubliko.

Ginawa ng mambabatas ang kanyang panawagan, kasunod ng opisyal na pagtake-over ng Grab ng operasyon ng dating kakumpetensyang company, ang Uber.

Ipinasi-seguro rin ni Poe sa LTFRB at Philippine competition Commission o PCC na napo-protektahan ang kapakanan ng mga mananakay habang siniseguro rin na ang mga Grab driver ay nakukuha ang kanilang patas na kita para sa kanilang pagsi-serbisyo.

Naniniwala si Poe na sa pamamagitan ng dayalogo at mga pag-uusap sa pagitan ng lahat ng mga stakeholders, magkakaroon ng balance na hindi makaka-apekto sa bulsa ng mga mananakay at hindi rin maaagrabyado ang mga driver ng Grab. | via Jojo Ismael