Sen. Poe, hiniling sa DOTR at LRT Board na pag-aralan muna ang planong pagtaas ng pasahe sa LRT

Iginiit ngayon ni Committee on Public Services Chairperson Sen. Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) at Light Rail Transit (LRT) Board na pag-aralan munang mabuti ang planong pagtaas sa singil sa pasahe ng P5 hanggang P7.
 
Iminungkahi din ni Poe na kung hindi man mapipigilan ang taas-pasahe sa LRT ay pwede naman itong gawin ng paunti-unti at hindi isang bagsakan lang.
 
Ikinatwiran ni Poe na karamihan sa tatamaan nito ay ang mga pasahero mula sa mga mahihirap na komunidad na apektado din ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil umano sa Tax Reform for Acceleration o TRAIN law.
 
Umapela si Poe na bago ipatupad ang fare increase sa LRT ay makabubuting hintayin muna ang resulta ng ginagawang diskusyon para sa pagsuspinde ng ilang mga probisyon ng TRAIN law. | via Jojo Ismael