Sen. Pimentel at Sen. Villar, pinasinungalingan ang pahayag ni Joma Sison na ang Pangulo ay nasa coma diumano ngayon

Tuwirang sinabi ngayon nina Sen. Koko Pimentel at Sen. Cynthia Villar na isang malaking kasinungalingan ang ipinakakalat na balita na umano ay nasa coma ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sen. Villar, personal niyang kausap noong Biyernes si Pangulong Duterte sa Davao City at ito ay malakas at walang sakit.

Ayon kay Villar, paano maku-comatose ang Pangulong Duterte gayung ang saya-saya nito noong sila ay nasa Davao kung saan nagpakuha pa ito ng litrato kasama ang mga barangay official ng Davao.

Para sa senador, ganoon daw talaga kapag ika’y presidente, maraming naiinggit at kung anu-anong balita ang ipinakakalat na ang intensyo’y manira.

Sa bahagi naman ni Sen. Pimentel, kanyang sinabi na walang dapat ikabahala ang sambayanang Pilipino sapagkat ang Pangulong Duterte ay malakas at walang sakit.

Diin pa ni Pimentel, bakit daw paniniwalaan ang isang katulad ni CPP-NPA Founding Chairperson Jose Maria Sison, gayung daan-daang kilometro ang layo nito sa Pilipinas at ito ay  nakabase sa Europa. | ulat ni Jojo Ismael