Sen. Pia Cayetano, nangangambang mawala sa Pilipinas ang polio-free status

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Pia Cayetano sa posibleng pagkawala ng polio-free status ng bansa dahil sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong nagpapabakuna kontra sa naturang sakit.

Sinabi ito ng senadora, matapos magbabala ang Department of Health (DOH) na nanganganib na mawala ang polio-free status ng Pilipinas na iginawad sa bansa noong October 2000.

Ayon kay Cayetano, isa ang polio sa mga naging casualty ng kontrobersiya na idinulot ng Dengvaxia vaccine.

Ito aniya ay dahil natatakot na ang mga magulang na pabakunahan sa mga health center ang kanilang mga anak dahil sa idinulot ng Dengvaxia vaccine controversy.

Bunga nito, tumaas ang bilang ng mga kabataang nagkakasakit ng tigdas at polio na maaari sanang maiwasan sa tulong ng pagpapabakuna.

Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang pamahalaan na paigtingin ang ginagawa nitong mga hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa vaccination program ng gobyerno.