Sen. Pangilinan, muling binanatan ng Pangulo sa gitna ng isinusulong na pag-aamyenda ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006

Sa harap ng nabuksan at isinusulong na pagpapababa sa edad ng mga indibidwal na dapat managot sa batas, muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen.Francis Pangilinan na siyang may akda ng Juvenile Justice Law.

Sinabi ng Pangulo, na nagkalat sa buong Pilipinas ang Pangilinan law sa nakaraang dalawang dekada gayung nawala aniya ang sense of accountability sa mga menor de edad na nakagagawa ng mabibigat na krimen gaya ng rape, murder at iba pa.

Dapat sana ayon sa Pangulo, ay ituring ding adult offender ang isang indibidwal basta’t nagnakaw, nakapatay, nanggahasa at nakagawa ng mga kahalintulad na criminal offense.

Banat pa ng Presidente kay Pangilinan, tila wala ng pakialam at hindi na nito nilinaw pa sa kanyang iniakdang batas kung ano na ang mabuting gawin pagkatapos na maaresto ang isang minor offender, hindi kagaya sa Amerika na ipinapaunawa ang pananagutan sa mga offender.

Kinumpirma naman ng Pangulo, na may mga nakipagkita sa kanyang mga senador kamakalawa ng gabi na nagpahayag sa kanya ng kahandaang mai-repeal ang Juvenile Justice Law ni Pangilinan. | ulat ni Alvin Baltazar