Sen. Marcos, naghain ng panukalang batas para sa pagkakaroon ng mail-in voting sa bansa

Iginiit ni Senator Imee Marcos na kailangan ng bansa na magpatupad ng mail-in voting para sa mga kababayan nating dehado sa kalusugan, at sa kanilang lugar na kinaroroonan.

Ayon sa senator, ang mga Pilipinong ito ang kailangang ikonsidera, at tulungan na magawa ang kanilang karapatang bumoto sa 2022 elections.

Kaya naman isinusulong ni Marcos ang Senate Bill 1870 o ang panukalang Voting by Mail Act.

Sa ilalim nito, ay ang mga senior citizen, mga buntis, persons with disabilities (PWDs), at indigenous peoples (IPs), ay maaaring magparehistro sa Commission on Elections (COMELEC) para makaboto sa pamamagitan ng koreo.

Inaatasan rin ng panukala ang Comelec, na bumuo ng isang registration system via post ng may pagkokonsidera pa rin sa limitadong galaw dulot ng banta ng COVID-19 infection.

Maaari aniyang i-download na lamang ang application forms, para makaboto via mail sa website ng Comelec o di kaya ay kunin ito sa mga barangay hall.

Nakasaad rin dito ang pagbubuo ng isang Special Ballot Reception and Custody Group, na siyang mangangasiwa sa pagbeberipika at pagpapadala ng mga mail-in ballots sa mga rehistradong botante.

Giit ni Marcos, hindi dapat maging hadlang ang logistical challenges sa pagsusulong ng demokratikong proseso ng ating pagboto.