Sen. Legarda, welcome ang desisyon ng Pres. Duterte na bumalik muli ang govt peace panel at ng NDFP sa pakikipag-usap pangkapayapaan

Welcome para kay Senadora Loren Legarda ang desisyon ng Pangulong Duterte na bumalik muli ang government peace panel at ang counterpart nito mula sa National Democratic Front of the Philippines, sa pakikipag-usap pangkapayapaan.

Kasabay nito, nanawagan na rin si Legarda sa lahat ng kinauukulan para suportahan ang resumption ng negosasyon, at sa dalawang panig na magtrabaho ng double time upang marating ang ibinigay na deadline ng Pangulong Duterte na tapusin ang pag-uusap sa loob ng dalawang buwan.

Kumpiyansa si Legarda na kayang tapusin ng gobyerno at ng NDFP ang pag-uusap sa ibinigay na taning na dalawang buwan, sapagkat matagal na rin ang dalawang kampo na nag-uusap kung kaya’t madali na sa kanila para bumuo ng mapagkakasunduan na katanggap-tanggap para sa lahat para sa benepisyo ng lahat ng mga Pilipino.

Si Legarda, isa sa mga consultant ng government peace panel, ay nagsabi na ang isa sa mga importanteng kasunduan na dapat mapasama sa pinal na agreement ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), ang tinaguriang puso at kaluluwa ng peace talks.

Ang CASER ay kinapapalooban ng mga probisyon ukol sa ibat ibang socio-economic concerns, tulad ng agrarian reform at rural development; national industrialization at economic development; environmental protection, rehabilitation at compensation; karapatan ng mga manggagawa at iba pa. | via Jojo Ismael