Sen. Legarda, pinaalalahanan ang LGUs, at publiko kung papaano mapaghandaan ang isang bagyo

Sa pagsisimula ng bagyong Ompong na maka-aapekto sa mas malawak na lugar sa bansa, muling pinaalalahanan ni Sen. Loren Legarda ang Local Government Units (LGUs) at ang mga tao kung papaano mapaghandaan ang isang bagyo tulad ng bagyong Ompong.

Ayon kay Legarda, chairperson ng Senate Committee on Climate Change, dapat nakatutok at parating naka-monitor sa weather updates at advisory ang mga tao na nasa mga lugar na may public storm warning signals, para sa evacuation. 

Habang ang disaster preparedness at response agencies ay naka-alerto para sa anumang emergency, at ang mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno ay handa naman para magkaloob ng pangunahing pangangailangan at relief items para sa mga residente na pansamantalang nasa mga evacuation centers.

Pinaalalahanan ni Legarda, ang taumbayan ukol sa mga hakbangin na dapat isagawa sa panahon ng bagyo na ayon sa Disaster Preparedness and First Aid Handbook, isang manual na ipinamamahagi ng kanyang komite.

Kabilang sa mga hakbangin na dapat isagawa ay ang manatili sa loob ng bahay at manatiling kalmado, magmonitor sa TV at radio para sa mga reports.

Siguraduhing ligtas ang inyong mga tahanan; panatilihing walang sagabal sa mga kalsada para sa emergency vehicles.

Pumunta sa pinakamalapit na evacuation centers kapag ang inyong mga tahanan ay nasa binabahang lugar. Sikapin na magkaroon ng flashlights at transistor radio na may mga sariwang baterya.

Mag-imbak din ng pagkain, inuming tubig, baterya, at First-Aid supplies.

Huwag tangkaing tumawid sa mga umaagos na mga lawa at huwag tangkaing i-operate ang anumang electrical equipment habang  may baha.

Pinayuhan din ni Legarda ang lahat na  mag-ingat para sa posibleng pagkakaroon ng biglaang storm surge.  | ulat ni Jojo Ismael