Sen. Legarda, nanawagan sa Kuwaiti govt. para ratipikahan ang ILO Convention 189 para sa proteksyon ng ating mga OFW

Kasabay ng kanyang paghayag ng kasiyahan sa ulat na hinatulan na ng korte sa Kuwait ang mag-asawang Lebanese-Syrian na employer at responsable sa pagpatay sa OFW na si Joanna Demafelis, nanawagan din si Senadora Loren Legarda sa Kuwaiti government para ratipikahan ang International Labour Organization Domestic Workers Convention, 2011 o ang ILO Convention No. 189.

Sinabi ni Legarda, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na isang welcome development ang mabilis na aksyon ng Kuwait sa kaso ni Demafelis.

Subalit kailangan pa rin umanong maseguro na ang karapatan at kapakanan ng ating mga OFW, lalo na ang mga domestic workers na nasa Kuwait at iba pang bansa, ay napu-protektahan habang kasalukuyang pinag-uusapan pa sa pagitan ng ating gobyerno at ng Kuwait ang isang kasunduan para sa pangangalaga at proteksyon ng mga manggagawang Pilipino sa Kuwait.

Umaasa si Legarda na pagtitibayin din ng gobyerno ng Kuwait ang ILO Convention 189 para sa proteksyon ng mga domestic workers na nagta-trabaho sa kanilang bansa.

Matatandaan na si Legarda ang isponsor ng Senate resolution na nagtulak para sa pag-apruba ng Senado sa ratipikasyon ng ILO Convention 189 noong 15th Congress, kung saan kanyang sinabi na sa pamamagitan ng convention, mabibigyan ng kasiguruhan na ang mga domestic worker ay tatratuhin bilang mga lehitimong manggagawa, hindi mga alipin at bibigyan ng maayos na kondisyon, suweldo at sapat na mga benepisyo. | via Jojo Ismael