Sen. Legarda nais mapaglaanan ng P1.16B ang pagpapagamot sa mga nabigyan ng Dengvaxia vaccine

Isinusulong ni Senadora Loren Legarda, chairperson ng Senate Committee on Finance ang paglalaan ng pondo para masuportahan ang kinakailangang medical assistance para sa mga nabigyan ng Dengvaxia vaccine.

Ang panukala ni Legarda ay nakapaloob sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1794 na naglalaan ng P1.16 na bilyong piso bilang supplemental budget para sa 2018 bilang tulong sa mga nabakunahan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Sinabi ni Legarda na layunin ng kanyang panukalang hakbangin na mailaan ang nabanggit na halaga para sa pagpapa-ospital at pagpapagamot kabilang ang laboratory test para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Sa panukala, ang pondo ay kukunin mula sa ini-refund o isinauli sa gobyerno ng Sanofi Pasteur sa pamamagitan ng kanilang local distributor, ang Zuellig Pharma.

Kapag naisabatas, ang supplemental budget ay iri-release ng Department of Budget and Management sa Department of Health, ang ahensyang magpapatupad ng programa o proyekto para sa benepisyo ng mga naturukan ng Dengvaxia.

Paliwanag ni Legarda, ang Dengvaxia vaccine ay para sana malabanan ang paglaganap ng dengue sa bansa pero sa kasawiang palad, naipaalam lamang sa publiko na ang gamot ay may kaakibat na peligro para sa mga hindi pa nagkakadengue matapos na maturukan na ang may halos isang milyong mga bata. | via Jojo Ismael