Sen. Legarda, ikinasiya ang nabuong kasunduan sa pagitan ng mga lider ng North at South Korea

Ikinasiya ni Senador Loren Legarda ang nabuong kasunduan sa pagitan ng mga lider ng North Korea at South Korea para wakasan na ang matagal nilang pag-aaway at alisin sa Korean Peninsula ang paggamit ng armas- nukleyar.

Sinabi ni Legarda, chairperson ng Senate Foreign Relations Committee, na noong nakaraang taon, ang Pilipinas ay nanawagan sa North Korea para sa pagsasagawa ng mga makabuluhang hakbangin tungo sa pagkakaroon ng payapang resolusyon sa mga isyung kinakaharap ng Korean Peninsula.

Punto ni Legarda na ang nabuong kasunduan sa pagitan nina North Korean President Kim Jong-un at South Korean President Moon Jae-in ay isang napakalaking hakbang tungo sa pagresolba sa mga isyung kinakaharap sa Korean Peninsula.

Ang dalawang lider na mga Koreano ay nagpalabas kamakailan ng isang deklarasyon ukol sa nagkakaisang mithiin para sa isang kumpletong denuclearization, na isang nuclear-free Koren Peninsula.

Nagkasundo din ang dalawang lider para wakasan ang kanilang may 65-taong labanan.

Diin ni Legarda na ang Pilipinas ay handang tumulong at sumuporta sa anumang paraan na abot kaya nito para makamit ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula. | via Jojo Ismael