Sen. Lacson, umaasang ‘di matuloy ang napaulat na daan-daang milyong pisong budget allocation ng mga kongresista

Umaasa si Senador Panfilo Lacson na hindi itutuloy ng mga kongresista sa Kamara ang napaulat na pagbibigay nila ng daang milyong pisong halaga ng alokasyon sa bawat kongresista sa proposed 2020 national budget.

Matatandaang base sa naunang pahayag ni Representative Joey Salceda, mayroong ₱100 million na nakalaan para sa bawat kongresista sa 2020 General Appropriations Bill.

Gayunpaman, iginiit ni Lacson na base sa impormasyong ipinarating sa kanya ng ibang congressmen, tig-₱700 million talaga ang inaalok  sa bawat congressman at tig- ₱1.5 billion naman ang dalawamput dalawang deputy speaker.

Kaya sa kabuuan ay nasa ₱54 billion pesos ang nakalaan para sa alokasyon sa mga kongresista.

Senador Ping Lacson, umaasang hindi matutuloy ang napaulat na daan-daang milyong pisong budget allocation para sa bawat kongresista. | via Nimfa Asuncion www.radyopilipinas.ph

Posted by Radyo Pilipinas on Monday, 23 September 2019

Giit ni Lacson, sana ay hindi ituloy ng kamara ang napagkasunduang ito dahil masyadong malaki aniya ang halagang ito para ibigay sa mga miyembro ng mababang kapulungan.

Sa ngayon, ay hindi pa aniya matatawag ni Lacson na pork barrel ang alokasyong ito dahil hindi pa nila nakikita kung kasama nga ito sa National Expenditure Program (NEP) na mula sa ehekutibo.

Paliwanag ni Lacson, kung nakapaloob ito na NEP ibig sabihin ay dumaan ito sa pag-aaral ng ahensya ng gobyernong paglalaanan ng pondo.

Gayunpaman, binigyang diin ng senador na kahit nasa NEP ito ay bubusisiin pa rin nilang mabuti ang ipapasang 2020 General Appropriations Bill (GAB) ng kamara.