Sen. Lacson, sinabing umaabot ng hanggang P2-M ang bayaran sa ‘hospital pass for sale’ modus sa Bilibid

Mas lumalalim pa ang nauungkat na mga anomalya sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Matapos isiwalat ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang isyu ng “hospital pass for sale” sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon.  Nagbigay pa ng dagdag detalye ang ilang senador tungkol dito.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, umaabot ng P200,000 hanggang P2 million pesos ang binabayad ng mga inmate para makakuha ng ‘hospital pass’ at ma-confine ng ilang araw sa NBP Hospital.

Bukod pa dito, may bayad pa aniyang P30,000  kada araw ang pananatili sa loob ng ospital.

Base pa aniya sa impormasyon ni Lacson, mismong ang mga organic na doktor ng NBP Hospital ang binabayaran.

Hihilingin aniya ng senador sa Blue Ribbon Committee na imbitahan sa pagdinig sa Huwebes ang mga doktor na ito.

Kailangan rin aniyang makuha ang records ng ospital at malaman kung sinu-sino ang mga inmate na madalas na naoospital at kung ano ang diagnosis sa mga ito.