Sen. Lacson sa publiko: Bantayan ang pagtalakay sa 2020 nat’l budget

Hinikayat ni Senador Panfilo Lacson ang publiko na makiisa sa pagbusisi at paghimay sa panukalang 2020 national budget.

Ito ayon kay Lacson, ay upang hindi makalusot ang anumang pork barrel o insertions ng mga mambabatas.

Sinabi ito ng senador sa pagsisimula ng pagtalakay ng kongreso sa proposed 2020 national budget.

Sa senado, sisimulan na sa Miyerkules ang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) tungkol sa panukalang pambansang pondo.

Giit ni Lacson, malaki ang maitutulong ng publiko sa pagbabantay sa budget process upang matanggal ang pork barrel, na kung matatandaan ay naging pangunahing dahilan ng delay ng pagkakapasa ng 2019 national budget.

Aniya, buwis ng bayan ang nakasalalay dito kaya’t hindi ito dapat hayaang mapunta sa kamay ng mga kawatan.