Sen. Lacson, naniniwalang panahon na upang amiyendahan ang batas na nagbibigay ng Good Conduct Time Allowance sa mga bilanggo


Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na panahon na upang amiyendahan ang Republic Act 10592 o ang batas na nagpapalawak ng Good Conduct Time Allowance para sa mga bilanggo.

Ayon kay Lacson, dapat mayroong mga krimen na hindi dapat sakop ng pagbibigay ng parole o pardon gaya ng mga karumal-dumal na krimen gaya ng terorismo, rape with homicide at mga kagayang kaso.

Bukod pa yan sa pagkakaroon ng batas na maglilimita ng hanggang 15-percent reduction para sa “good conduct time” habang nasa loob ng bilangguan.

Dagdag pa ng senador, dapat ring ikunsidera ang pag-disqualify sa mga bilanggo na nakagawa ng krimen habang nasa loob ng bilangguan.

Matatandaang nabuksan ang isyung ito dahil sa nakaambang paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na nakulong noong 1990s dahil sa kasong rape at pagpatay sa dalawang estudyante ng UP Los Banos.