Sen. Lacson, nanawagan sa U.S. Police na paigtingin ang presensya nito para mapigilan ang hate crimes sa U.S.

Suportado ni Senador Panfilo Lacson ang mga panawagan na mas paigtingin ang Police presence upang mapigilan ang hate crimes sa mga Asyano sa Ustados Unidos. 

Ito ay matapos ang panibagong insidente ng verbal assault sa isang Pinay Consular officer sa New York nitong Biyernes. 

Una nang nanawagan si Consul General Elmer Cato sa New York Police na paigtingin ang presensya nito lalo na sa mga subway at sa mga Pilipino na mag-report sa konsulado o sa 911 kung maging biktima man sila ng hate crimes. 

Sa pinakahuling tala aniya ng konsulado, hindi bababa sa 14 na hate crimes sangkot ang Filipino community ang naitatala na ngayong taon. 

Giit ni Lacson, dapat hikayatin ni Consul General Cato ang mga pulis doon na tiyaking mahuhuli at mapapanagot ang mga indibidwal na nasa likod nitong mga hate crimes.

Sinabi ng senador na nakakabahala at dapat nang matigil ang mga hate crimes dahil walang puwang ang ganitong mga krimen at racism kahit saan. 

Aniya, makatutulong ang mga Filipino community sa pagresolba nito sa pamamagitan ng pagre-report ng mga hate crime sa mga awtoridad, hindi lamang sa U.S. kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.