Sen. Lacson, kaisa na sa mga nananawagan para sa pag-iimbestiga ng Senado sa umano’y ‘Chinese militarization’ ng West Philippine Sea

Nagpahayag ngayon ng suporta si Senator Panfilo “Ping” Lacson para sa panawagan sa Senado na imbestigahan ang  umano’y ‘Chinese militarization’ sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Senator Lacson, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na marapat lamang na makialam ang Senado at gamitin ang oversight function nito sa anumang seryosong isyu at usapin na may implikasyon sa seguridad ng bansa.

Ani Lacson, malamang may seryosong problemang pangseguridad ang bansa kung hanggang ngayon ay kinukumpirma pa rin umano ng gobyerno ang presensya ng mga missile ng isang banyagang bansa sa isa sa mga isla ng Pilipinas.

Ang tinutukoy ni Lacson ay ang ulat ng CNBC News na ang China ay naglagay diumano ng ‘anti-ship cruise missiles at surface-to-air-missiles systems’ sa Fiery Cross Reef o ang Kagitingan Reef,  Subi Reef at Mischief Reef sa Spratly Islands na pawang mga inaangking teritoryo ng Pilipinas.

Dahil dito, iminungkahi na rin ni Lacson ang agarang pagpupulong ng National Security Council upang matalakay ang bagay na ito. | via Jojo Ismael