Sen. Lacson: Anti-Graft Laws, kailangan nang amyendahan

Minungkahi ni Senador Panfilo Lacson na imbes na bigyan ng regalo ang isang taong nagtatrabaho sa gobyerno bilang pasasalamat sa magaling na resulta ng kanyang trabaho, dapat ay magbigay na lamang ng opisyal na donasyon para sa institusyong kinabibilangan nito.

Ito ang pahayag ng senador sa pagsusulong nitong maamyendahan ang Anti Graft Laws sa bansa.

Ayon kay Lacson, dapat ay iayon ang ating mga batas sa kultura ng Pilipinas.

Partikular na tinukoy ng senador, ang kultura ng ‘utang na loob’ ng mga Pilipino kung saan maaaring ikasama ng loob ng isang tao ang pagtanggi sa isang regalo.

Dapat rin aniyang bigyan ng klarong pagkakaiba ang ‘pasasalamat’ at ‘panunuhol’.

Hindi kasi aniya klaro sa kasalukuyang batas, kung ano ang katanggap-tanggap na halaga ng regalo, dahil iba-iba ang pagtingin dito ng bawat indibidwal.

Pero paglilinaw ni Lacson, ang mungkahi niyang rebyuhin ang anti-graft laws sa bansa ay hindi upang bigyan ng excuse ang pagtanggap ng regalo ng mga public servant.

Bagkus, ang layunin aniya nito ay ang matiyak na kayang maipatupad ang mga batas sa bansa.