Sen. Lacson: 4 convicted Chinese drug lord, nakalaya na nitong Hunyo dahil sa GCTA 

Binunyag ni Senador Panfilo Lacson na mayroon nang apat na convicted Chinese drug lord ang nakalaya nitong Hunyo, dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Sinabi ito ng senador, ilang araw bago ang nakatakdang pagdinig ng Senado tungkol sa proseso ng pagbibigay ng GCTA sa mga bilanggo, at ang napaulat na pagpapalaya sa convicted rapist-murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Lacson

PANOORIN | Apat (4) na convicted Chinese druglord, nakalaya na nitong Hunyo dahil sa GCTA, ayon kay Senador Ping Lacson. | via Nimfa Mae Asuncionwww.radyopilipinas.ph

Posted by Radyo Pilipinas on Wednesday, August 28, 2019

Ayon kay Lacson, kabilang sa mga nakalayang convicted Chinese drug lord ay sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum, na mula sa Bldg. 14 ng Maximum Security Compound ng Bureau of Corrections (BuCor).

Isa naman ang nailipat sa Bureau of Immigration and Deportation na kinilalang si Ho Wai Pang.

Samantala, sinabi rin ni Lacson na sinubukan nilang makakuha ng kopya ng sinasabing release order ni Mayor Sanchez na may petsang August 20, pero nawawala na umano ito.

Sa Lunes, nakatakdang dinggin ng Senate Blue Ribbon Committee ang muntik nang pagpapalaya kay Sanchez.

Kabilang sa mga inimbitahan ng komite sina Justice Secretary Menardo Guevarra, BuCor chief Nicanor Faeldon, kinatawan ng Board of Pardons and Parole, at mga pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.