Sen. Hontiveros, ikinasiya ang pag-apruba sa bersyon nito ng 100-Day Expanded Maternity Leave Bill

Ikinasiya ni Sen. Risa Hontiveros ang pag-apruba ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ng bersyon nito ng 100-Day Expanded Maternity Leave Bill, sa pagsasabi na ito’y isang makasaysayang tagumpay para sa mga kababaihan.

Si Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ay siyang nagsusulong ng counterpart bill sa Senado na nauna nang naipasa nung Marso ng nakaraang taon.

Sa bersyon ng Kamara, nilalayon ng 100-Day Expanded Maternity Leave Bill, na mapabuti ang paid maternity leave policy sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 40 araw mula sa kasalukuyang 60 araw.

Para sa senadora, ang Extended Paid Maternity Leave ay makabubuti para sa kalusugan ng mga kababaihan, at ng kanilang sanggol at pamilya, sa katwiran na makakapahinga ng sapat at maayos ang mga bagong panganak na mga ina.

Punto pa ni Hontiveros na ang kasalukuyang 60-araw na paid maternity leave ng Pilipinas ay napag-iiwanan ng 90-araw na ipinatutupad sa bansang Malaysia, Cambodia, Thailand at Indonesia; at 98-araw ng Myanmar, 105-araw ng Laos at Brunei, 112-araw sa Singapore at 189-araw na ipinatutupad sa Vietnam.  | ulat ni Jojo Ismael