Sen. Grace Poe, giniit na sapat na ang panukalang batas na sertipikadong urgent para tugunan ang mga isyu sa ekonomiya ng bansa

Sinabi ni Senador Grace Poe na maaaring hindi gaanong mabigyang pansin sa senado ang economic cha-cha lalo’t may mga panukalang batas na tungkol sa foreign investment ang sertipikadong urgent bill.

Ginawa ng senadora ang pahayag matapos makapasa sa ikalawang pagbasa ng kamara ang panukalang amyendahan ang economic provision ng 1987 Constitution (resolution of both houses no.2).

Ayon kay Poe, ang mga urgent bills na ito ay tutugon na sa mga kasalukuyang isyu sa ating ekonomiya at mayroon pang mas magandang mga safeguard.

Kabilang sa pinunto ng mambabatas ang panukalang amyenda sa Public Service Act na magbibigay aniya ng pagkakataon sa mas maraming foreign investors na pumasok sa bansa at magbigay ng mas maayos na serbisyo sa publiko.

Nariyan rin aniya ang panukalang amyenda sa foreign investment act na magpapaluwag naman ng restrictions sa ilalim ng Negative List at ang Retail Trade Liberalization bill na aprubado na ng senado.

Aminado si Poe na maingat siya sa pagkokonsidera ng pag amyenda sa konstitusyon.

Dapat aniya itong busisiing maigi at amyendahan lang para sa tamang mga rason.

Giit ng senadora, ang pag aamyenda sa saligang batas ay dapat na ikonsidera lang bilang last resort.