Sen. Gordon, suportado ang pagkakaroon ng MOU sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon at interes ng mga OFWs

Bagamat inaasahang mareresolba rin ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait sa mga nalalapit na araw, binigyang-diin ni Senador Richard Gordon na tungkulin pa rin ng gobyerno na isaprayoridad ang proteksyon at kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa, at higit ang mga namomroblemang OFWs.

Sinabi ni Gordon na dapat natuto na tayo mula sa sinapit ng OFW na si Joanna Demafelis, ang Filipino domestic worker na natagpuan sa loob ng freezer sa Kuwait na namatay nang dahil sa sobrang panggugulpi ng kanyang mga employer.

Diin ni Gordon, kailangan ang mga hakbangin na magsisiguro na hindi na mangyayari uli ang kahalintulad na malagim na sinapit ng ating kababayan sa abroad.

Aniya, kailangan ipursige ang pagkakaroon ng isang Memorandum of Understanding (MOU) at ng mga bansang pinagtatrabahuhan ng ating mga OFW para sa kanilang proteksyon at kaligtasan.

Sa panukalang MOU at ng bansang Kuwait, itinatadhana na ang mga OFW ay may karapatan na panatilihin sa kanila ang pag-iingat ng kani-kanilang pasaporte na taliwas sa nakasanayan ng Kafala System, kung saan ang mga employer ang silang nagtatago ng mga pasaporte ng kanilang mga manggagawa.

Itinatakda din sa MOU ang karapatan ng isang OFW na umayaw kapag siya’y inililipat sa ibang employer. | via Jojo Ismael