Sen. Gordon, pinuri ang ginawang pag-iikot ng Pangulo sa mga lalawigan na tinamaan ng bagyong Ompong

Pinuri ngayon ni Sen. Richard Gordon ang Pangulong Rodrigo Duterte sa personal na pagbisita sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong.

Ayon kay Sen. Gordon, national chairman ng Philippine Red Cross, maganda ang ginagawa ngayon ng Pangulong Duterte na pag-iikot sa mga lalawigan upang personal na makita ang aktuwal na sinapit ng mga lugar at ng ating mga kababayan mula sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Ayon kay Gordon, dahil sa presensya ng Pangulo sa mga apektadong lugar, lalong mapapabilis ang pagbibigay ayuda sa mga nangangailangan at para rin sa mabilis na pagpanumbalik sa normal ng kanilang pang-araw-araw na buhay.

Una na rin, ipinangako ng Pangulong Duterte na hindi mangyayari sa ilalim ng kanyang administrasyon ang sinapit ng mga lugar at ng ating mga kababayan na hindi magandang karanasan mula sa supertyphoon Yolanda, ilang taon na ang nakararaan.

Nabanggit ni Gordon na maganda rin ang ginawa ng Pangulong Duterte na pagtatalaga ng kanyang “pointman” mula sa kanyang gabinete, at ang pagde-deploy sa iba pang mga miyembro ng kanyang gabinete na magtungo sa mga lalawigan bago pa man dumating ang bagyong Ompong noong araw ng Huwebes. | ulat ni Jojo IsmaelĀ