Sen. Gordon: Mag-apply ng lisensya ang Sanofi Pasteur para sa Dengvaxia bago muling ipagamit sa publiko

Sa gitna ng mga panawagang ipagamit muli ang Dengvaxia sa publiko, nais ni Senador Richard Gordon na mag-apply muna uli ng lisensya ang Sanofi Pasteur sa Food and Drug Administration (FDA) para sa naturang bakuna.

Ayon kay Gordon, gaya ng mga bagong bakuna, dapat ay muling dumaan sa proseso ang Dengvaxia vaccine bago ito muling payagan na maipamigay sa publiko.

Giit ng senador, bagama’t nabigyan na ito ng lisensya noong nakaraang administrasyon kwestiyonable naman ang paraan ng pagkakakuha nito.

Noon kasi ay hindi na dumaan sa one-year provisional license ang bakuna, kung saan dapat ay minonitor ng kumpanya ang mga pasyenteng gagamit ng Dengvaxia, at mananagot sa anumang epekto nito.

Hindi rin aniya nito sinunod ang payo ng Formulary Executive Council, at itinuloy ang pagbili ng bulto-bultong Dengvaxia at ipinamahagi sa mga paaralan.

Ngayon ay dapat na aniya sundin ng Sanofi ang tamang proseso at sumunod na sa mga requirement.

Umaasa rin si Gordon, na hindi na muling mapupulitika ang Department of Health (DOH) at makakalimutan ang tungkulin nito sa publiko.