Sen. Gordon: Maaaring arestuhin ulit ang inmates na maling napalaya

Naniniwala si Senate Blue Ribbon Committee Chair, Senador Richard Gordon na maaaring arestuhin muli ang mga inmate na napalaya dahil sa maling interpretasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Giit ni Gordon, ilegal ang pagpapalaya sa kanila kaya’t pwede silang arestuhin at ibalik sa kulungan.

Maaari aniyang maghain ng apela sa Department of Justice (DOJ) ang mga biktima ng mga maling napalayang inmate para maaresto muli ang mga ito.

Binigay na halimbawa ni Gordon ang pagpapalaya sa mga suspek ng Chiong sisters rape-slay case, na nakalaya dahil sa pirma ng isang BuCor official.

Ilegal aniya ito, dahil wala namang otoridad na pumirma sa release order ang nasabing opisyal.

Kaya naman walang bearing o hindi dapat kilalanin ang pagpapalaya sa mga ito.

Nitong August 16, 2019, napalaya ang tatlo sa mga suspek sa pagpatay kina Marijoy at Jacqueline Chiong, na sina Josman Aznar, Ariel Balansag, at Alberto Caño dahil sa GCTA.