Sen. Gordon, kumpiyansa na makakakuha ng sapat na pirma mula sa kasamahang senador ang kanyang draft Committee Report ukol sa usaping Dengvaxia

Kumpiyansa si Senador Richard Gordon na makakakuha ng sapat na pirma mula sa mga kasamahang senador ang kanyang inihandang draft committee report ukol sa usaping Dengvaxia kung saan inirekomenda ang paghahain ng kaukulang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang mga dating opisyal ng gobyerno para sa lahat ng trahedya, pagkasira at posibleng pagkamatay mula sa Dengvaxia mass vaccination program.

Ayon kay Senador Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, sisimulan na niyang ipaikot ang naturang draft report upang mapirmahan ng mga kasamahang senador para mailatag na ito sa plenaryo sa kanilang pagbabalik sesyon sa Mayo 14.

Pero, aminado si Gordon na kung mayroon sa kasamahang senador na hindi pipirma sa draft report, ay ang mga taga-oposisyon na ang hayagan nang kumokontra sa posisyon ng Blue Ribbon sa usaping Dengvaxia.

Ani Gordon, kanilang bibigyan ng kopya ang Office of the Ombudsman at ang Department of Justice para may basehan sila sa anumang nararapat na kasong ihahain laban sa mga nagsabwatang mga dating matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa naturang draft report, tuwirang tinukoy nina Aquino, dating Health Secretary Janette Garin, Dating Budget Secretary Butch Abad at iba pang opisyal bilang mga pangunahing nagsabwatan na dapat na masampahan ng kaukulang kaso para sa lahat ng trahedya, pagkasira at posibleng pagkamatay mula sa Dengvaxia mass vaccination program.

Nabanggit sa draft report na sina Aquino, Garin, Abad at iba pang opisyal ay nilabag ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at laban kay Dr. Julius Lecciones ng Philippine Children’s Medical Center.

Tinukoy din sa report na minadali ng gobyerno ang pagbili ng nasabing Dengvaxia sa pamamagitan ng pag-apruba ni Aquino sa pamamagitan nina Abad, Garin at iba pang opisyal sa kabila ng pagtutol ng ilang eksperto. | via Jojo Ismael