Sen. Go, suportado ang 6 na buwan pang suspensyon ng pagpapawalang bisa ng VFA

Suportado ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na suspendehin ang abrogation o pagpapawalang bisa ng Philippine-US visiting forces agreement (VFA) ng dagdag pang anim na buwan. 

Ayon kay Go, tiwala siyang bilang chief architect ng foreign policy ng bansa, ay binabalanse ni Pangulong Duterte ang lahat at inuuna ang interes ng mga Pilipino. 

Giit ng senator, ngayong nasa gitna tayo ng pandemya ay hindi makakabuti sa bansa na biglang umatras sa naturang kasunduan. 

Aniya, maaaring marami pang maitulong ang Estados Unidos sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19, gaya na lang sa pagkuha ng suplay ng mga bakuna.

Sinabi pa ng mambabatas, na wala ng kagyat na pangangailangang i-terminate ang VFA sa ngayon, at maaari pa aniyang magkaroon ng negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at US sa susunod na anim na buwan na suspensyon.