Sen. Go sa COA: Magsagawa ng special audit sa PhilHealth

Nanawagan si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa PhilHealth.

Sa pagdinig kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee, tinanong ni Go si COA chairperson Michael Aguinaldo kung maaari bang magsagawa ng special audit sa paggamit ng pondo ng PhilHealth at isumite ang resulta nito sa Office of the Ombudsman.

Ito ay upang makapagpatupad ang ahensya ng agarang reporma at upang matukoy kung sino ang salarin dito sa mga kontrobersiya.

Bukod sa COA, hinimok rin ng senador ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon.

Giit ni Go, hindi dapat matakot ang mga ito na sabihin kung sino ang nasa likod ng kalokohang ito dahil karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.

Matapos nito, ay sinabihan ng senador ang Department of Justice (DOJ) na kasuhan ang mga mapapatunayang responsable sa mga anomalya.

Kabilang sa mga kontrobersiyang bumabalot ngayon sa PhilHealth ay ang alegasyon ng fraudulent, overpayment at unpaid claims, huling suspensyon ng accreditation ng mga tiwaling kumpanya, conflict of interest sa mga opisyal at overstocking ng mga gamot.