Sen. Go: PRRD, Sec. Año, nagkausap na bago magresign si Gen. Albayalde

Sinabi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na napagkasunduan na nina Pangulong Rodrigo Duterte at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, na mag-terminal leave na lang muna si General Oscar Albayalde bilang hepe ng pambansang pulisya.

Ayon kay Go, ito ang napag-usapan ng Pangulo at Año noong Sabado ng madaling araw matapos ang cabinet meeting.

Giit ng senador, ito aniya ay upang makabalik na sa pagtatrabaho ang pambansang pulisya, hindi na madamay sa isyu at tumaas na muli ang morale ng pulisya.

Gayunpaman, nang magkausap aniya sina Albayalde at Año noong Sabado ng tanghali, ay nagkusa na lamang si Albayalde na magbitiw sa pwesto.

Ayon kay Go, kahapon natanggap ng Malacañang ang resignation letter ni Albayalde.

Hindi na aniya nagkausap pa sina Albayalde at Pangulong Duterte.

Ayon sa senador, umaasa siyang sa pamamagitan ng desisyon ng police general ay normal nang makakapagtrabaho ang Philippine National Police (PNP).