Sen. Go: Police, military general, unang lumutang na maging BuCor chief 

Ilang pangalan ng mga police at military general ang unang lumutang na posibleng ipalit kay sinibak na Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Ito ay bago pa man italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Manila City Jail Warden Gerald Bantag bilang BuCor chief kahapon.

Ayon kay Go, kabilang na dito sina Ozamiz City Police Chief Major Jovie Espenido, PNP Chief General Oscar Albayalde at AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr.

Sinabi ng senador na si Senate President Vicente Sotto III ang nagmungkahi kay Espenido na maging BuCor chief, ngunit hindi na ito nakarating sa Pangulong Duterte dahil naitalaga na nito si Bantag.

Nabanggit rin aniya kina Albayalde at Madrigal ang posisyon sa isa sa mga pinakahuling PNP-AFP command conference, dahil parehong malapit nang magretiro ang dalawa ngunit hindi nila tinanggap ang posisyon.

Marami naman aniyang ibang mga dating opisyal ang gustong mag-apply na maging BuCor chief, pero si Bantag pa rin ang naging personal choice ng Pangulo para sa posisyon.

Matatandaang nakilala si Espenido dahil ito ang hepe ng Ozamiz City Police nang napaslang sa isang anti-drug raid ang ilang miyembro ng pamilya Parojinog noong 2017.

Samantalang nakatakda namang magretiro si General Madrigal sa September 28, habang si Albayalde ay magreretiro sa November 8 pagsapit nila sa retirement age na 56.