Sen. Go, nagpanukala ng klarong magsasabing di kasama sa mabibigyan ng GCTA ang heinous crime convicts

Naghain ng panukalang batas si Senador Christopher ‘Bong’ Go upang malinaw nang maisaad sa batas na hindi sakop ng mabibigyan ng good conduct time allowance (GCTA) ang mga nahatulan dahil sa heinous crimes.

Sa Senate Bill 1003 ni Go, partikular nang tutukuyin kung ano ang mga krimeng matatawag na heinous crimes.

Ginawa ni Go, ang hakbang matapos ang pagdinig ng senado tungkol sa implementasyon ng GCTA law at ang napaulat na pagpapalaya sa ilang heinous crime convicts dahil dito.

Giit ng senador, ang inihain niyang panukala ay magsisilbing gabay sa tamang pagpapatupad ng batas.

Mayroon ring inilagay ang senador na probisyong nagsasabing kailangang isailalim sa review ang petisyong makalaya ang isang bilanggo nang dahil sa time allowances.

Aatasan rin ang Bureau of Corrections (BuCor) na magsumite ng legislative report, dalawang beses sa isang taon, upang malaman ng kongreso ang nangyayari sa pagpapalaya ng mga inmate.

Sa tulong ng panukalang ito, umaasa si Go maiiwasan na ang pagkakaroon ng korapsyon at anomalya sa BuCor.