Sen. Go, isinusulong na gawing urgent bill ang panukalang Dept. of Migrant Workers and Overseas Filipinos

Sinabi ni Senator Christopher ‘Bong’ Go na posibleng sertipikahan bilang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang panukalang Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) o ang Senate Bill 2234.

Ito ang consolidated at updated na version ng orihinal na panukalang Department of Overseas Filipino (DOFil), na una nang sinertipikahan ni Pangulong Duterte na urgent bill.

Ayon kay Go, matagal ng pinag-uusapan ang naturang panukalang ito, at kailangang-kailangan na ng ating mga kababayan sa ibang bansa ang isang departamentong tututok sa kanilang kapakanan at mga pangangailangan.

Oras na masertipikahan bilang urgent bill, sinabi ng mambabatas na posible pang maipasa ang panukalang DMWOF sa senate floor bago ang kanilang adjournment, at maisabatas ito bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa July.

Bukod sa layuning pag isahin sa iisang deparmento ang mga ahensya at opisinang may kinalaman sa pangagasiwa sa mga Pinoy abroad, bahagi rin ng panukala ang tinatawag na sunset provision, kung saan minamandato ang pag review sa departamento sampung taon matapos ito itatag.

Nasa P1.1 billion ang estimated budget para sa pinapanukalang bagong ahensya.