Sen. Go, handang sumabak sa commute challenge

Handang kumasa si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa commute challenge na iminumubgkahi ni Representative Frederick Siao.

Sa mungkahi ni Siao, dapat ay sumakay ng public transport vehicles ang mga government official tuwing Lunes para aniya maintindihan ng mga opisyal ang pinagdadaanang kalbaryo ng mga commuter araw-araw.

Ayon kay Go, na walang problema sa kanya kahit pa mag commute siya o mag-motor siya araw-araw, basta makatulong sa publiko para maibsan ang problema sa trapiko.

Gayunpaman, kailangan pa rin aniyang ikonsidera ang maaaring ibunga ng pagko-commute ng mga opisyal ng gobyerno partikular ang isyu sa seguridad.

Maaari aniyang mas makadagdag pa sa abala ng mga commuter ang pagbibitbit ng maraming security personnel ng mga opisyal.

Muli ring iminungkahi ng senador, ang pagkokonsidera na ilipat na sa ibang lugar, gaya ng New Clark City ang ilang government centers para mapaluwag ang Metro Manila.