Sen. Gatchalian: Planong pagpapatayo ng POGO hubs, di makakatulong sa bansa

Imbes na ayusin ay itatago lamang ng planong ipatayong Philippine Offshore gaming Operations (POGO) hubs ang problema.

Ito ang pananaw ni Senador Sherwin Gatchalian sa plano ng PAGCOR, na ilipat ang POGO sa mga tinatawag na ‘self-contained’ hubs o sa iisang lugar na lamang.

Ayon kay Gatchalian, ang dapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang tiyakin na magbabayad ng tamang buwis ang mga POGO operator at kanilang mga empleyado.

Hindi rin dapat ibinibigay sa mga ineempleyo nilang mga dayuhan ang mga trabaho at oportunidad dito sa Pilipinas, na dapat ay nakalaan para sa mga Pilipino.

Sa datos aniya ng Department of Finance (DOF), aabot sa P32 billion kada taon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa, dahil sa mga hindi nakokolektang buwis mula sa nasa 138,000 foreign workers ng POGO.

Kung ibubukod pa sa iisang lugar lamang ang POGO companies na ito, ay mas mahihirapan ang pamahalaan na mamonitor ang kanilang mga operasyon at ayusin ang problema.