Sen. Gatchalian, pinaglalaban ang mas mataas na budget ng AFP Reserve Force

Bilang pagkilala sa papel ng ‘military reservists’ sa ‘disaster response’ at ‘nation-building,’ nangako si Sen. Win Gatchalian na ipaglalaban ang pagtaas ng budget ng Armed Forces of the Philippines’ Reserve Force (AFPRF).

Nagkomento si Gatchalian sa Senate hearing ukol sa panukalang budget ng Department of National Defense (DND), na ang buong potensyal ng ‘reserve force’ ng bansa ay nananatiling hindi nagagalaw dahil sa kakulangan sa pondo.

Ayon sa senador, ang ₱14.1 milyong pisong pondo na inilaan sa AFPRF sa ilalim ng DND budget ay hindi sapat upang magbigay ng pagsasanay para sa mahigit 700,000-strong reserve corps.

Sa datos na galing sa DND, ipinapakita dito na may kabuuang 741,937 AFP reservists, 93,062 dito ang bumubuo sa Ready Reserve Force Unit, na binubuo ng ‘able-bodied personnel’ sa pagitan ng 18 taong gulang hanggang edad 35 na sumailalim sa military training, habang ang iba pang 20,451 ay bahagi ng Affiliated Reserve Unit.

Ang parehong unit ay maaaring buhayin anumang oras upang dagdagan ang lakas ng tauhan ng mga full-time AFP unit, hindi lamang sa panahon ng digmaan o national emergency ngunit para tugunan din ang mga local emergency na dulot ng mga kalamidad at banta sa kapayapaan, kaayusan, seguridad, at katatagan ng anumang lugar.

Ang natitirang 628,424 reservists ay kasama sa Stand by Reserve Unit, na papakilusin lamang sa panahon ng national emergency o digmaan.

Dahil dito, hiniling ni Gatchalian sa DND na mag-sumite sa Senate Committee on Finance ng long-term vision nito para sa reserve force, maging ang kinakailangang budget upang makamit ang layunin nito simula sa susunod na taon.  | ulat ni Ched Oliva