Sen. Gatchalian, nanawagan sa publiko na magtipid sa kuryente ngayong Energy Consciousness Month

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa publiko na maging masinop sa paggamit ng kuryente sa panahon ng kapaskuhan upang makatipid sa gastusin.
Ito kasabay rin ng paggunita ngayong Disyembre ng Energy Consciousness Month.

Hinimok din ni Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na patindihin pa ang information campaign upang maiparating sa publiko ang tamang pagtitipid at paggamit ng kuryente.

Hinikayat din ng mambabatas ang publiko at mga establisyimento na ugaliing gumamit ng light-emitting diode (LED) light bulbs na mas mura kalaunan kaysa sa tradisyunal na incandescent string lights na ginagamit sa mga Christmas decorations.

Dahil hindi maiiwasan ang madalas na paggamit ng mga electronic devices sa panahon ng kapaskuhan, pinaalala din ng senador na palaging i-unplug ang mga gadgets na hindi ginagamit pati na rin ang mga appliances upang bumaba ang konsumo ng kuryente at maiwasan ang pagtaas ng electric bill.

Ipinunto ng senador na ang patakarang sa pagtitipid sa kuryente ay nakapaloob sa RA 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act. 

Importante aniya ang batas na ito dahil isinusulong nito na maging mandato ang maayos at mahusay na pagkonsumo ng kuryente ng mga commercial at industrial na mga korporasyon at binigyan ng karagdagang kapangyarihan ang DOE para ipatupad ito. 

Kaya nananawagan si Gatchalian sa DOE na ipatupad na ng ganap itong batas na ito dahil makakatipid tayo at ang katipirang ito ay katumbas na rin ang pagkakaroon ng panibagong suplay ng kuryente.