Sen. Gatchalian, nanawagan sa DepEd na damihan ang guidance counselors

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na iprayoridad ang pagkuha ng mga guidance counselor sa elementary at high schools sa buong bansa.

Ito aniya ay upang matugunan ang bullying at matulungan ang mga nagiging biktima nito.

Base kasi sa datos ng DepEd, umabot sa higit 22,000 ang kaso ng bullying noong school year 2016 to 2017.

Ayon kay Gatchalian, bagamat mas mababa ito kumpara sa mga kasong naitala noong school year 2015 to 2016 ay nakakabahala pa rin ang dami ng bilang na ito.

Giit ng senador, makakatulong ang mga guidance counselor sa pagbibigay ng suporta hindi lamang sa mga biktima ng bullying kundi maging sa mismong mga bully.

Dahil dito, plano ni Gatchalian ang isang panukalang batas sa pagbubukas ng 18th Congress na layong maamiyendahan ang Republic Act 9258 o ang Guidance and Counseling Act of 2004.

Sa pamamagitan aniya nito ay imamandato ang DepEd na kumuha ng mas maraming guidance counselor sa bansa para masunod ang 1 is to 500 guidance counselor-to-students ratio.  | ulat ni Nimfa Asuncion