Sen. Gatchalian, nanawagan para sa implementasyon ng reporma sa sektor ng enerhiya

Sa gitna ng patuloy na pagtaas sa singil sa konsumo sa kuryente, nanawagan si Sen. Win Gatchalian para sa agarang implementasyon ng mga reporma sa sektor ng enerhiya.

Ang panawagan ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, ay kanyang ginawa bilang tugon sa resulta ng isang survey na isinagawa kamakailan ng Pulse Asia kung saan nakita na 60 porsyento ng mga Pilipino ang hindi na nasisiyahan sa kasalukuyang presyo ng singil sa konsumo ng kuryente sa bansa.

Sa survey, ang Metro Manila ang may pinakamataas na ‘dissatisfaction rate” na may 84 porsyento ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya.

Ayon kay Gatchalian, ang mga tao ay nangangailangan  ng kaunting pahinga mula sa kasalukuyang tumataas na presyo ng mga bilihin lalo na sa kanilang buwanang electric bill.

Diin ng mambabatas, kailangan umano ang mabilis na pagkilos ng gobyerno para sa pagpapatupad ng pro-consumer na energy savings para sa mga pamilyang Pilipino.

Tinukoy ni Gatchalian ang tatlong pangunahing dahilan kung bakit mataas ang singil sa kuryente sa bansa. Ito’y kinabibilangan ng ‘bureaucratic inefficiency’ na nagtataboy diumano sa mga potensyal na mga investor, ang kakulangan sa kompetisyon at transparency sa power supply contracting at ang pagkaka-utang na minana mula sa National Power Corporation (NAPOCOR).   | ulat ni Jojo Ismael