Sen. Gatchalian, nanawagan ng transparency sa bentahan ng interes ng Shell sa Malampaya

Muling iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang dapat maging transparent ang Department of Energy (DOE), sa pagsusuri sa bentahan ng shares ng Shell Philippines Exploration BV (SPEX) sa Malampaya gas field project, sa kumpanya na nasa ilalim ng Udenna Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy.

Kamakailan lamang ay sinabi ni DOE Secretary Alfonso Cusi, na kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang nasabing transaksyon na isinagawa noong May, at wala pang pinal na desisyon ang gobyerno dito.

Sinabi aniya ni Cusi, na kailangan pang magsumite ng mga dokumento ang mga nasabing kumpanya bago desisyunan ng DOE, kung aaprubahan ang bentahan.

Giit ng senator, hindi ito ordinaryong asset ng gobyerno kaya dapat maisapubliko ang pamantayan sa pagsusuri sa bentahang ito. 

Paliwanag ng mambabatas, kailangang pahalagahan ang pagbebenta ng shares ng Shell sa Malampaya hindi lang dahil sa hinahawakan nitong 45 percent share, kung hindi dahil na rin sa papel na ginagampanan nito bilang operator ng Malampaya.

Aniya, ang malampaya gas project ay nagsusuplay sa isa sa bawat limang tahanan sa Luzon, kaya mahalagang matiyak na may sapat na kakayahan ang papalit na operator na mangangasiwa sa pagpapatakbo ng Malampaya.