Sen. Gatchalian, hinimok ang DepEd na gawing prayoridad ng pagpapaayos sa mga eskwelahan na sinira ng bagyong Ompong

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) para sa pagsasa-prayoridad ng pagpapaayos ng mga nasirang eskwelahan dahil sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan kasunod ng pahayag ng DepEd na lampas sa 7,000 mga eskwelahan ang nasira dahil sa bagyo, kabilang ang mga nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Zamboanga, ARMM, Cordillera at Metro Manila na ang pinsala ay umabot umano ng hanggang P2.65-bilyong piso.

Sinabi ni Gatchalian na maaaring gamitin ng DepEd ang Basic Education Fund ng kagawaran para sa nasabing pagpapaayos ng nasirang school buildings sa mga nabanggit na lugar.

Diin ng mambabatas, vice chair ng Senate Education Committee,  hindi biro ang pitong libong paaralan na nasira, kung kaya’t kaniya aniyang inaasahan na bibigyang prayoridad ang pagkukumpuni ng mga ito para sa kapakanan ng libo-libong mga estudyante na hindi makakapasok at makakapag-aral dahil wala silang mga silid-aralan.

At para mas mabilis aniya  ang pagkukumpini sa mga nasirang paaralan, sana ay sundin nina Education Secretary Leonor Briones ang mga rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) sa audit report ng DepEd para sa nakaarang taon upang magamit nang lubos ang budget sa Basic Education Fund ng DepEd.  | ulat ni Jojo Ismael